Pamahiin sa Chinese New Year

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Sadyang mapamahiin ang mga Tsino. Marami silang pinaniniwalaan na suwerte o malas na gawin para sa isang partikular na okasyon o pagdiriwang. Mahigpit sila sa kanilang mga pamahiin na tila ito ay mga batas na marapat sundin. Nag-ugat ang kanilang mga pamahiin sa kasaysayan ngunit nananatili pa rin ito magpahanggang sa ngayon. May ilan nga lamang na sumusunod sa pamahiin na di nalalaman ang dahilan kung bakit ito dapat sundin. Kabilang sa mga okasyon na puno ng pamahiin ay ang pagdiriwang ng bagong taon ng mga Tsino.

Mga nilalaman

Paniniwala sa Paglilinis/Pagwawalis

Upang paghandaan ang nalalapit na bagong taon, tradisyon na sa mga Tsino ang maglinis ng kanilang tahanan. Ang bawat sulok at labas ng bahay ay matiyagang winawalis at nililinis ilang araw bago ang nasabing pagdiriwang. Ngunit sa mismong araw ng pagsalubong ay hindi ipinapahintulot ang pagwawalis sa paniniwala na ito ay magtataboy ng suwerte para sa papasok na taon. Ang mga kasangakapan sa paglilinis at isinasantabi muna. Kinabukasan na muling maglilinis ng kanilang tahanan ang mga Tsino. Ang pagwawalis nila ay nagsisimula sa may pintuan, papunta sa gitna ng bahay upang ang lahat ng dumi at basura ay maipon sa gitna at dito ay dadakutin ang mga ito. Makalipas pa ng limang araw bago ito tuluyang itapon sa labas. Ang paglalabas ng dumi sa bahay ay inihahalintulad sa pagtataboy ng suwerte sa loob ng tahanan.

Mga Pagkain

Tuwing bagong taon ay puno ng masasarap na pagkain ang hapag ng mag-anak na Tsino. Iba-iba ang kanilang inihahanda – matatamis, malalagkit at mga gulay at prutas.

Pinakamahalaga na handa sa kanila ay ang nian gao o tikoy. Ang malagkit na tekstura na ito ay sumisimbolo ng malapit na relasyon ng mag-anak sa papasok na taon. Nangangahulugan din ito ng magandang kabuhayan lalo na kapag ang tikoy ay malaki ang pag-alsa pag ito ay iniluto. Kasing halaga ng tikoy ay ang jiao zi/jau gok ito ay meat dumpling na maihahalintulad sa empanada. Hinulma ito ng hugis kabibe at kawangis ang mga golden ingots yuan bao na siyang ginagamit na salapi noong Dinastiyang Ming. Maswerte rin ang pagkaing ito sapagkay katunog nito ang tawag sa unang papel na salapi sa Tsina, kaya tiyak na maghahatid ng magandang kayamanan sa mag-anak kapag inihain.

Pangkaraniwan ding makikita ang pansit sa hapag. Nangangahulugan naman ito ng mahaba at mabiyayang buhay kaya naman iniiwasan ng mga Tsino na hiwain o putulin ang pansit dahil baka maputol ang daloy ng swerte. Makikita din sa lamesa ang isda at buong manok. Ang isda ay pinaniniwalaang nagbibigay ng kasaganaan at ang manok ay sagisag ng pagiging husto o completeness. Gayun din ang mga yu-wan o fish ball at jou-wan o meat ball.

Isa sa mga inihahanda nila ay ang tinatawag nilang jai. Isa itong pagkain na gawa sa mga root o fibrous vegetables na pinaniniwalaang magdadala ng swerte sa taon. Halimbawa sa mga ito ay ang lotus seed na pinaniniwalaang magbibigay ng maraming anak na lalake. Iniiwasan naman nilang maghain ng tokwa sa hapag sapagkat dahil sa kulay nito na sinasabing malas para sa bagong taon dahil sumasagisag ito sa kamatayan at kamalasan.

Kilos at Pananalita

Ayon sa paniniwalang Tsino, ano man ang ginagawa mo sa unang araw ng taon ay ang siyang magiging buhay mo sa sasapit na taon. Ang masaganang handaan ang isang halimbawa sa kaisipan na ito. Naghahanda ang mga Tsino ng samu't saring pagkain sa kanilang pagsalubong upang masiguro na magiging masagana rin sila sa papasok na taon. Iniiwasan din nila na mayroon silang pagkaka-utang kaya naman maaga pa lang ay binabayaran na nila ang mga ito.

Ang mga negatibo o masasamang salita ay ipinagbabawal na banggitin sa araw ng bagong taon. Maging ang mga salitang may katunog na ibang ibig sabihin (gaya ng salitang ssu na kapwa nangangahulugan ng “apat” at kamatayan”), gayun din ang pagkukuwento ng mga katatakutan at kababalaghan. Hindi rin maaaring pag-usapan ang mga pangyayari noong nakaraang taon at mas binibigyang halaga ang mga plano at balakin para sa darating na taon. Ang mga matatalas na kasangkapan gaya ng gunting at kutsilyo ay panandaliang isinasantabi upang maiwasan ang sakuna at aksidente.

Kinakailangang lahat ng kasapi ng pamilya na nag-aabang sa bagong taon ay masaya. Kaya naman isang magandang pagkakataon ito para sa mga bata na magkulit at maglaro sapagkat iniiwasan din ng mga matatanda na ang mga musmos ay mag-iyakan. Ang pag-iyak sa bagong taon ay nangangahulugang ng isang taon na pagdadalamhati.

Iba pang pamahiin

Batay sa tradisyon, ipinagbabawal sa mga Tsino ang paggupit at paghuhugas ng buhok sa araw ng Bagong Taon. Katumbas daw ito ng paggupit at pag-aalis ng magandang kapalaran para sa sasapit na taon. Nagsusuot din sila ng damit na kulay pula, o nagsasabit ng mga pulang bandiritas at palamuti sa kanilang mga tahanan. Ang kulay pula ay kulay ng apoy na siyang itinuturing nilang sandata laban sa masasamang elemento, gaya na lamang ng maalamat na si Nian. Sa kanila rin nagsimula ang tradisyon ng paggamit ng paputokl tuwing bagong taon. Isa rin itong sandata upang itaboy ang mapanganib na halimaw. Nagsisilbi din itong pampailaw sa kalangitan para maging maliwanag at masagana ang pasok ng taon. Salu-salo din sila, gaya ng mga Pilipino, sa hapag at nagpapalitan ng regalo na kadalasan ay nasa anyo ng pagkain. Sa mga kasapi ng pamilya na di makakadalo sa handaan, mga bakanteng upuan ang makikita sa hapag ang nilalagay bilang representasyon na ang presensya ng mga ito ay kasama din nila.


Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.