Monopolyo ng Tabako

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Monopolyo ng Tabako ay isang programang pang-ekonomiya na pinasinayaan ni Jose Basco y Vargas noong 1781, labinlimang taon makalipas na ipakilala sa Filipinas ang sistemang monopolyo. Ang programang ito ay nangangahulugan na ang pagtatanim, pag-aani at pangangalakal ng tabako ay nasa mahigpit na pangangalaga at kontrol ng pamahalaan – isang pamamaraan upang matiyak at mapanatiling malaki ang salaping pumapasok sa Espanya.

Mga nilalaman

[baguhin] Ang Pagtatanim

Sinimulan ang nasabing monopolyo sa Maynila at sa mga karatig nitong bayan sa gitna at timog Luzon, at nang lumaon ay maging sa mga lalawigan ng Pangasinan, Zambales, Mindoro at Cagayan. Ang pinakamalaking taniman ng tabako sa Filipinas ay sa lalawigan ng Ilocos at Cagayan sapagkat mayroon itong klima na pinakamainam para sa magandang paglago ng halaman.

Naging sapilitan ang pagtatanim ng tabako sa Filipinas kaya marami sa mga halaman at iba pang pananim ay di na nabigyang-pansin at tuluyan nang nakalimutan. Ang pamahalaang Espanya ay nagtakda ng kaukulang dami at kalidad ng produktong ititinda sa kanila ng mga magsasaka kung kaya't nagmistulang bandala ang nasabing monopolyo. Dahil lahat ng matataas na uri ng tabako ay nasa kamay na ng mga Espanyol, ang mga magsasaka na nagnanais na gumamit ng tabako ay kinakailangan pang bumili sa mga pamilihang pagmamay-ari ng pamahalaan. Sa panahong iyon, ang pag-iimbak ng tabako sa mga kamalig ay isang paglabag sa batas.

[baguhin] Mga Suliranin

Sa simula pa lamang ay malaking problema na ang idinulot ng monopolyo ng tabako sa mga katutubo. Pinagsamantalahan ang mga Filipino at ginamit ang relihiyon upang sumunod sila sa mga kautusan ng pamahalaan. Upang mayroong magagandang tabako na matira sa kanila, ang mga magsasaka ay natutong magtanim nito sa mga maliliit na paso na siyang ikinagalit naman ng mga Espanyol. Ang mga katutubong Igorot naman ay nagpupuslit ng mga matataas na kalidad ng tabaka mula sa Ilocos at kanilang itinitinda sa pamahalaan. Ang pinakamalaking suliraning kinaharap ng Espanya ay ang kalat na demonstrasyon at pag-aaklas na isinagawa ng mga magsasakang Filipino.

[baguhin] Pagtatapos ng Monopolyo

Noong 1883, makalipas ang isandaang taon, ay tuluyan nang itinigil ang monopolyo ng tabako sa Filipinas. May ilang lalawigan ang patuloy pa rin sa pagtatanim nito ngunit hindi na ito sapilitan at naging pansariling produksyon na lamang.

[baguhin] Basahin din

[baguhin] Sanggunian

  • Diokno, Maria Serena I. at Ramon N. Villegas. Kasaysayan IV: The Story of the Filipino - Life in the Colony. Philippines: Asia Publishing Company Limited, 1998.
  • de Jesus, Ed C. Tobacco Monopoly in the Philippines – Bureaucratic Enterprise and Social Change 1766-1880. Quezon City: Ateneo Press, 1980.
  • Tobacco History. (hinango noong 26 Marso 2008).

[baguhin] Panlabas na Kawing

"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.