Mga Magagaling na Negosyante

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Maraming mga mayayamang Pilipino ngayon ang nagsimula ng kanilang buhay sa matinding kahirapan. Ang ilan lamang dito ay sina Henry Sy, Tony Tan Caktiong, at John Gokongwei Jr. Halos pare-pareho ang kanilang kwento: ang kanilang pamilya ay mula sa Tsina, at nagsimula sila sa maliliit na mga negosyo na unti-unti nilang napalaki at napalawak.

Mga nilalaman

Henry Sy

Si Henry Sy ang pinakamayamang Pilipino sa ngayon, na may kabuuang kayamang nagkakahalagang $3.8 bilyon. Siya ang may-ari ng 28 SM mall sa buong bansa (at 2 sa ibang bansa), pati na rin ng Banco De Oro, China Banking Corp, at iba-iba pang mga negosyo sa lupain. Bata pa lamang ay nagtitinda na si Sy sa isang maliit na sari-sari store na pagmamay-ari ng kanyang ama. Noong sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig ay nasunog ang tindahang ito, kung kaya’t napilitan siyang magbenta ng kung anu-ano para sa ikabubuhay ng kanyang pamilya. Noong natapos ang digmaan, sinimulan niya ang isang maliit na tindahan ng mga sapatos. Nag-aral din siya sa Far Eastern University.

Mula sa kanyang mga pakikipagsapalaran sa negosyo, nabuo ang kanyang konsepto ng negosyong retail, at noong 1972 ay binuksan niya ang kauna-unahang SM mall. Tuluy-tuloy ang kanyang pagpapalawak sa kanyang mga negosyo, kahit sa harap ng napakaraming mga pagsubok na naranasan ng kanyang mga negosyo kaakibat ng mga krisis pang-ekonomiya ng Pilipinas. Ang ilan sa mga krisis na kanyang napagdaanan ay ang matinding pagbaba ng halaga ng piso noong mga panahon bago ang unang rebolusyon sa EDSA, mga strike at welga ng mga empleyado, at mga coup d’etat na naranasan ng bansa. Ang isa sa mga katangiang kahanga-hanga ni Henry Sy pagdating sa negosyo ay ang kanyang matinding pagsusumikap sa harap ng mga pagsubok. Para sa kanya, ang tagumpay ay nagbubunga mula sa tiyaga. Sa oras ng kabiguan, ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na magsimula muli.

Tony Tan Caktiong

Si Tony Tan Caktiong ay ang nagpasimula at CEO ng Jollibee, na hindi lamang isa sa mga pinakasikat na kainan sa Pilipinas, subalit isang kilalang tatak-Pilipino. Sa ngayon, hawak rin ni Caktiong ang iba’t-iba pang mga malalaking kainan tulad ng Red Ribbon, Chowking at Greenwich.

Nagmula si Caktiong sa isang mahirap na pamilyang Intsik. Pangatlo siya sa pitong magkakapatid, at para mataguyod sila, ang kanyang ama ay namasukan bilang isang tagapagluto sa isang Chinese temple. Lumipat silang Davao, at doon nagsimula sila ng munting kainan na naging matagumpay naman. Bumalik si Caktiong sa Maynila upang mag-aral sa Unibersidad ng Sto. Tomas.

Noong 1975, nagtayo ng dalawang Magnolia ice cream parlor si Caktiong. Dahil sa pakiusap ng kanyang mga suki, nagsimula na ring magtinda si Caktiong ng mga hamburger sa kanyang mga ice cream parlor. Doon niya napag-isipan na magtayo ng hamburger house. Noong mga panahong ito, nagsisimula na ring pumasok ang McDonald’s sa Pilipinas. Subalit hindi nagalinlangan sina Caktiong na tapatan ito, sapagkat ayon sa kanila, kahit na sikat na noong ang McDonald’s ay hindi pa nito masyadong kuha ang panlasang Pilipino. Matapos pumunta sa Estados Unidos upang pag-aralan ni Caktiong ang mga pamamaraan ng pamamalakad ng mga fastfood, sinimulan nila ang kauna-unahang Jollibee sa Pilipinas noong 1978. Sa ngayon, tinatayang umaabot ng 25 milyong dolyares ang kabuuang halaga ng Jollibee.

Ayon kay Gregory Ericksen, ang Pandaigdigang Direktor ng internasyunal na kompanyang Ernst&Young, ilan sa mga katangian ni Caktiong na nagpabigay sa kanya ng tagumpay ay ang kanyang abilidad sa paghahanap ng mga makabagong proseso na kaiba sa nakagawain na. Importante din kasi kay Caktiong ang pagkakaroon ng mataas na kalidad ang kanyang mga produkto.

John Gokongwei, Jr.

Si John Gokongwei Sr ay may maraming negosyo sa iba’t-ibang larangan, tulad ng sa komunikasyon, pinansya, enerhiya, transportasyon sa himpapawid, at iba pa. Noong taong 2008, tinatayang nasa 680 milyong dolyares ( o mahigit 31 bilyong piso) ang kanyang kabuuang yaman. Ang kanyang ama na si John Gokongwei Sr. ay ang nagpasimula ng Universal Robina Corporation, na may mga produktong tulad ng Chippy, C2, Nissin Cup Noodles, Magic Flakes, Nova, at marami pang iba. Ang ilan naman sa mga kompanya ni John Gokongwei Jr. ay ang Cebu Pacific, Sun Cellular, at ang mga Robinsons na mall.

Pinanganak si Gokongwei Jr. sa isang mayamang pamilya, subalit naubos ang yaman ng kanyang pamilya noong namatay ang kanyang ama na si John Gokongwei Sr. Dahil dito, nagsimula din mula sa kahirapan si Gokongwei Jr. Likas na mahilig siya sa negosyo, at nagsimula siya sa pagbebenta ng bigas, tela at maliliit na metal.

Ayon kay John Gokongwei, napakahalaga ang pagiging matapang sa pagsisimula ng mga negosyo. Hindi dapat matakot ang mga Pilipino na humanap ng mga paraan upang umasenso, at dapat ding masusing pag-aralan ang isang negosyo bago mamuhunan dito.


Mga Mapupulot na Aral

Ang mga buhay ng mga taipan na ito ay maaaring magsilbing inspirasyon para sa lahat ng mga nais mapaganda ang kanilang sitwasyon sa buhay. Ang ilang sa mga aral na mapupulot natin ay ang sumusunod: huwag matakot makipagsapalaran, subalit importanteng aralin muna ang isang negosyo bago tuluyang mamuhunan dito; matutong mag-ipon; maging matiyaga at magsumikap; maging malikhain at maparaan; at huwag manghina ang loob sa harap ng mga pagsubok.


Sanggunian


Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.