Francisco Baltazar

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

(Kung nais ninyong mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Francisco Baltazar)

{{#if: | }} {{#if: Abril 2, 1788 | }} {{#if: Pebrero 20, 1872 | }} {{#if: | }} {{#if: | }} {{#if: Balagtas | }}
Francisco Baltazar
Balagtas.jpg
Estado {{{estado}}}
Kapanganakan Abril 2, 1788
Bigaa, Bulacan
Kamatayan Pebrero 20, 1872
Udyong, Bataan
Asawa {{{spouse}}}
Mga Magulang {{{parents}}}
Palayaw Balagtas


Si Francisco Baltazar y dela Cruz (Abril 2,1788 - Pebrero 20,1862), kilala rin bilang Francisco Balagtas na kaniyang tunay na pangalan, ay isang kilalang makata sa wikang Tagalog at may-akda ng Florante at Laura. Tinaguriang “Hari ng Makatang Tagalog," siya ay nagsulat ng mga tula, awit, komedya, at korido na siyang nagdala sa kaniya sa pinakamataas na bahagdan sa dambana ng mga makatang Tagalog.

Mga nilalaman

Unang Bahagi ng Kanyang Buhay

Si Baltazar ay ipinanganak sa Panginay, Bigaa, Bulacan noong 2 Abril 1788. Ang kaniyang mga magulang ay sina Juana dela Cruz at Juan Balagtas na isang panday. Siya ay may palayaw na Kiko at may tatlong kapatid: sina Felipe, Concha, at Nicholasa.

Matapos na makapag-aral ng katekismo, nagtungo siya Tondo noong 1799 upang manilbihan sa kanyang tiyahin na si Doña Trinidad, na siyang nagpaaral sa kanya sa Colegio de San Juan de Letran at sa Colegio de San Jose. Nagpakadalubhasa sa mga kursong Latin, Español, humanidades, at batas, si Baltazar ay nakapagtapos pag-aaral noong 1812. Malaki ang naging impluwensiya ni Jose dela Cruz (o Huseng Sisiw), kilalang makata mula Tondo at magaling na guro ni Baltazar, sa kanyang pagsusulat ng mga tula, awit, at moro-moro.

Ang Pag-usbong ng Kanyang Propesyon

Noong 1835, sa edad na 47, si Baltazar ay nagtungo sa Pandacan, Lungsod Maynila at dito nakilala niya si Maria Asuncion Rivera. Umibig siya kay Maria ngunit naging mahigpit na karibal niya ang isang mayamang cacique na si Mariano Capule. Ginamit ni Capule ang kanyang yaman at impluwensiya upang maipakulong si Baltazar. Pinaniniwalaang isinulat niya ang kanyang pinakamahusay na akda, ang Florante at Laura, sa loob ng piitan.

Nang makalaya siya noong 1838, siya ay nagtungo sa Balanga, Bataan upang maging kalihim ng isang hukom. Nakilala niya ang mayaman at mestisang si Juana Tiambeng na siyang nagtustos sa paglalathala ng Florante at Laura sa palimbagan ng Kolehiyo de Santo Tomas. Sinasabing sa bayan ng Orion, Bataan, sumapi si Baltazar sa isang lihim na pangkat ng mga rebelde na lumalaban para sa kasarinlan. Bagamat isang Bulakenyo, si Baltazar ay nakahugot ng inspirasyon sa Bataan upang sumulat ng mga pinakamahuhusay na literatura.

Taong 1849 ng simulan niyang gamitin ang apelyidong Baltazar, matapos na ipag-utos ni Gob. Hen. Narciso Claveria sa mga Pilipino na gumamit ng apelyidong Español o Tagalog mula sa isang listahan.

Sa ikalawang pagkakataon ay nakulong si Baltazar nang akusahan siya ng paggupit ng buhok ng kaniyang kasambahay. Ipinagbili ni Baltazar ang kanilang lupain at nagbayad ng malaking halaga upang makalaya. Dahil dito, naghirap ang kanyang pamilya. Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga awitin at moro-moro hanggang sa kanyang kamatayan noong 20 Pebrero 1862 sa edad na 74. Ipinagbilin niya sa kanyang mga apo na iwasang maging makata’t manunulat upang hindi sila maghirap.

Pagsusuri sa Florante at Laura

Ang Florante at Laura ay isang awit o mahabang panulaan na pasalaysay na binubuo nag tig-aapat na taludtud. Binubuo ito ng mga paksa ukol sa kabayanihan. Bagamat ang tagpo ng Florante at Laura ay sa isang malayong lugar sa Europa at may mga banyagang tauhan, ang mga pangyayaring naganap sa akdang ito ay naglalarawan ng kalagayan ng lipunang Pilipino.

Si Baltazar ang siyang nagbukas ng landas para sa panulaang Tagalog noong ika-19 na dantaon. Ang pagsusulat sa wikang Tagalog ang siyang pinakadakilang gawain sa panahong ang karamihan sa mga inililimbag na literatura ay nasa wikang Español.

Ang Florante at Laura ay maaaring sabihin na isang nakaugaliang komedya o moro-moro, na kakikitaan ng tunggalian ng mga Moro at Kristiyano sa isang malayong kaharian. Subalit nang una itong mabasa ng mga Pilipino, itinuring itong rebolusyunaryo sapagkat ang mga linya ng awit na ito ay naglalarawan ng mga kalupitang naranasan ng mga Pilipino sa kamay ng mga Kastila, gayundin ang kabulukan at pagmamalabis ng pamahalaang kolonyal.

Ang Florante at Laura ay naglalaman ng mga mahahalagang paksa tulad ng mabuting pamumuhay, paggalang sa mga nakakatanda, at nasyonalismo. Ipinahihiwatig din ng awit na ito na ang pagkakaiba ng relihiyon ay di dapat gamitin sa pagtatangi laban sa kapwa. Ayon kay Jaime Veneracion, isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, ang Florante at Laura ay tungkol sa pagtutulungan ng isang Muslim at isang Kristiyano para mahanap at makuha nila muli ang kani-kaniyang mga kaharian. Tinawag ni Baltazar ang nawawalang kaharian bilang “ang bayan kong sawi,” isang bayan na inalipin ng mga mapagpanggap at mananakop at nararapat na ipagtanggol ng mga Kristiyano at mga kapatid na Muslim. Ang ‘bayan’ ni Baltazar ay nauna pa sa unibersal na konsepto ng ‘nasyon.’

Mga Akda

Tunay na anak ng Hispaniko Pilipinas at dalubhasa sa Tagalog at Español, pinunan ni Baltazar ang kanyang panulaang Tagalog ng mga katutubo, Kastila, at iba pang mga banyagang panitikan at inspirasyon. Ayon kina Francis at Priscilla Macasantos ng Unibersidad ng Pilipinas, si Baltazar ay isang henyo dahil sa pagiging produkto niya ng pinagsanib na kulturang Pilipino - katutubo at kolonyal/klasikal. Sa angkin niyang kahusayan, nagawa niyang ipaalam sa kanyang mga kababayang api ang kanyang kaalaman gamit ang istilo at tradisyon ipinagkaloob sa kanya ng banyagang (at mapaniil) kultura. Ang kanyang akda ay tungkol sa kalupitan sa Albania, ngunit ito ay tungkol talaga sa kalupitan sa Pilipinas. Di mapapasubalian na siya ay naging tapat sa kanyang katutubong tradisyon. Kaiba sa mga kanyang mga kakontemporaryo, si Baltazar ay nagawang lumaya sa kolonyal at mapaniil na tradisyong pampanitikan. Ginamit niya ang kanyang mga akda upang labanan ang kalupitan at kaliluan sa kolonyal na Pilipinas at upang turuan ang kanyang mga kababayan. Siya ay lumikha ng bagong tradisyong pampanitikan sa Pilipinas, na nagsasaad ng damdamin at aspirasyon ng mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga akda ni Francisco Baltazar:

  • Mahomet at Constanza (1841)
  • Almanzor y Rosalina (1841)
  • Orosman at Zafira (1860) (komedya na may apat na bahagi)
  • Don Nuño at Zelinda (komedya na may tatlong bahagi)
  • La India Elegante y el Negrito Amante: sayneteng may isang yugto Hatol Hari Kaya (kundiman)
  • Parangal sa Isang Binibining Ikakasal (tula)
  • Paalam sa Iyo (awit)
  • Rodolfo at Rosamunda (komedya)
  • Pagpupuri kay Isabel II, Reyna sa España (tula)
  • Auredato y Astrone (komedya)
  • Bayaseto at Dorlisca (komedya 1857)
  • Nudo Gordiano (komedya)
  • Abdol y Miserena (1859) (komedya)
  • Clara Belmori (komedya).”
  • El Ensayo de Gramatica Hispano-Tagala
  • Claus (isinalin sa Tagalog mula Latin)

Pamilya

Si Francisco Baltazar at ang kanyang asawa na si Juana Tiambeng y Rodriguez, nagmula sa isang mayamang pamilya, ay ikinasal ni Fr. Cayetano Arellano noong 22 Hulyo 1842. Sila ay nagkaroon ng 11 anak, kabilang sina Isabel, Silveria, Victor, Ceferino, at Josefa.

Kabilang sa kanilang mga inapo ay sina:

  • Victor Baltazar y Tiambeng, anak nina Francisco at Juana, ay nagtatag ng yunit ng Katipunan sa Orion noong 1896. Pinalaya niya ang bayan mula sa mga Kastila at kinilalang bayani ng Orion.
  • Jose Lonzon Baltazar (1886-1967), apo ni Francisco, ay ang ika-13 alkalde ng Orion at nagsilbi mula 1931 hanggang 1934. Ang kanyang ama ay si Ceferino, ika-5 anak ni Francisco. Napakalas niya sa lokal na pulitika hanggang sa kanyang kamatayan.
  • Luis Lonzon Baltazar ay apo ni Francisco at pinakamatandang kapatid ni Jose. Siya ang unang halal na alkalde ng Orion mula 1903 hanggang 1935. Siya ay isang opisyal ng Hukbong Rebolusyunaryo at malapit na kaibigan ni Manuel Luis Quezon.
  • Fr. Primitivo Lonzon Baltazar (1871-1942), apo ni Francisco at kapatid nina Luis at Jose,ay nagsilbing kura paroko ng Orion mula 1904 hanggang 1940. Naging mahalaga ang kanyang ginampanan sa paglikas ng angkan ng mga Baltazar sa Bulacan noong panahon ng Hapon.
  • Francisca Perrera Baltazar (1904-1993), apo ni Francisco at ina ni Atty. Efren Baltazar Pascual, ang ika-24 na gobernador ng Bataan (1972-1986). Ang mga anak ni Francisca ay naging mga prominenteng Bataeños: Benjamin, isang inhinyero, ay naging alkalde ng Orion at naging miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan; at si Efren ay naging alkalde ng Orani, Bataan at malaon ay naging bise gobernador at gobernador ng Bataan.

Ang Kanyang mga Salita

  • "Pag-ibig, 'pag na'sok sa puso nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang".

Sanggunian

  • Orion: A Glimpse of the Past, the Grandeur of the Present. Orion, Batangas: Orion Municipal Government and Orion Municipal Historical Committee, 2007.
  • Eugenio. Damiana L. Awit and Corrido: Philippine Metrical Romances. Quezon City, Philippines: University of the Philippine Press, 1987.
  • La Solidaridad, Quincerio democratico, vol. 1,1889, translated by Guadalupe Fores-Ganzon, Fundacion Santiago, 1995.
  • Mojares, Resil B. Origin and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel until 1940. Quezon City: University of the Philippines Press, 1983.

Panlabas na kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.