Batangas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang lalawigan ng Batangas ay matatagpuan sa timog-kanlurang parte ng Luzon at kabilang sa rehiyon ng CALABARZON. Ang kabisera nito ay ang lungsod ng Batangas at napapalibutan ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Quezon. Kilala ang Batangas bilang isa sa mga pinakamagandang destinasyon para magbakasyon dahil sa mga resort at diving spots na makikita rito. Ilan sa mga pinakakilalang mga resort ay ang Anilao na matatagpuan sa bayan ng Mabini, Matabungkay at Punta Fuego sa bayan ng Nasugbu, Calatagan, at Laiya. Matatagpuan din ang Bulkan ng Taal, na kilala bialng isa sa mga Decade Volcanoes sa Batangas. Kilala rin ang lalawigan bilang “Puso ng Katagalugan”.

Mga nilalaman

Pangalan

Unang naitala ang pangalan ng lalawigan bilang Kumintang. Nang nanirahan ang mga Espanyol sa lalawigan ay tinawag nila itong Bonbon. Naging kabisera ng lalawigan ang bayan ng Balayan ngunit nailipat sa bayan ng Taal dahil malapit ito sa lawa at madaling naging sentro ng komersyo. Nagpasya ang mga namamahala sa lalawigan na ipangalan ito sa kabisera ngunit sa ikatlong pagkakataon ay pinalitan ito ng mga Espanyol at inilipat ang kabisera sa bayan ng Batangan, na ngayon ay kilala bilang lungsod ng Batangas. Pinalitan ang pangalan ng lalawigan alinsunod sa kabisera nito at noong 1889 ay naging ikawalong lungsod ng Pilipinas ang Batangas.

Batangan

Ang salitang “batangan” ay tumutukoy sa mga taong nakatira sa may lawa ng Taal na ang ikinabubuhay ay pangingisda gamit ang mga balsa. Ang salitang ito ay nanggaling sa “batang”, isang salitang ginagamit para sa mga kahoy na matatagpuan sa Ilog ng Calumpang.

Batangueño at Batangueña

Ang mga salitang “Batangueño” o “Batangueña” ay ginagamit bilang paglalarawan sa mga tao o bagay na nagmula sa Batangas.

Kultura

Ang mga Batangueño ay kilala sa pagsasalita ng Tagalog na mayroong punto. Kilala rin sila sa pagdadagdag ng salitang “eh” sa kanilang pananalita at sa paggamit ng “ga”. Isa rin sa kilalang katangian ng mga Batangueño ay ang tinatawag na “Matanda sa Dugo”, kung saan nagbibigay respeto ang isang kamag-anak hindi dahil sa edad kundi dahil sa konsangginidad. Ang mga Batangueño ay kilala sa pagiging malapit sa isa't isa. Halimbawa sa isang pagtitipon, mapapansin na ang mga Batangueño ay magkakasama hanggang sa matapos ang nasabing pagdiriwang. Ang mga pangunahing hanapbuhay ng mga Batangueño ay ang pagsasaka at pangingisda, dahil na rin sa lokasyon ng lalawigan. Kilala rin ang mga ito bilang malakas sa pag-inom ng alak at pagkain ng matatamis. Isa sa mga itinuturong dahilan nito ang Central Azucarera Don Pedro, na itinuturing na pinakamalaking tagagawa ng asukal sa buong bansa. Isa naman sa pinakakilalang produkto ng lalawigan ang kapeng barako, gayon din ang balisong.


Saklaw

Nahahati sa 32 munisipalidad at dalawang lungsod ang Batangas. Ito ay may apat na lehistratibong distrito. Kabilang sa munisipalidad ng Batangas ang Agoncillo, Alitagtag, Balayan, Balete, Bauan, Calaca, Ibaan, Laurel, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Malvar, Mataas na Kahoy, Nasugbu, Padre Garcia, Rosario, San Jose, San Juan, San Luis, San Nicolas, Santa Teresita, Santo Tomas, Taal, Talisay, Taysan, Tingloy, at Tuy. Kabilang sa lungsod ang Batangas, Tanauan, at Lipa.

Sanggunian

Batangas Wow Philippines (hinango noong 20 Nobyembre 2007). •Batangas Batangasnow (hinango noong 20 Nobyembre 2007).


"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.