Bagyong Ondoy

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Sinalanta ng bagyong Ondoy (kilala sa ibang bansa bilang Ketsana) ang Metro Manila at iba pang parte ng Pilipinas noong ika-26 ng Setyembre 2009. Tinatayang ang lakas ng ulan na bumuhos sa loob ng anim na oras ay kapantay ng dami ng ulan na karaniwang nararanasan sa loob ng isang buwan. Ito ang naitalang pinakamalakas na pagbuhos ng ulan sa bansa sa loob ng apatnapu’t dalawang taon.

Nagdulot ng malaking pagbabaha sa loob ng Metro Manila at iba’t ibang parte ng Luzon ang bagyong si Ondoy. Lumubog sa tubig ang ilang lugar sa Maynila, Lungsod Quezon, Marikina, Rizal, at iba pang karatig pook. Umabot sa dalawang daan at apatnapung tao ang naitalang namatay dahil sa bagyo at apatnapu ang hindi pa rin natatagpuan.

Ayon sa National Disaster Coordinating Council, tatlumpu’t pito ang naitalang nawawala at lima ang nasugatan at nasakatan dahil sa biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming lugar sa Luzon noong Sabado.

Ang bilang ng mga naapektuhan ng nasabing bagyo ay umakyat sa mahigit sa isang milyon noong Sabado. Tatlong daan at pitompu’t apat na libong tao ang inilikas sa iba’t ibang evacuation centers sa Maynila, Rizal at iba pang bahagi ng Luzon na idineklara ng gobyerno na nasa ilalim ng state of calamity.

Ayon kay Gilberto Teodoro, na siyang namumuno sa National Disaster Coordinating Council, humingi na ng tulong ang pamahalaan sa iba pang mga bansa sa pamamagitan ng United Nation Resident Coordinator.

Naiulat na rin ang pagbibigay ng mga bansang Amerika at Tsina ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyo sa pamamagitan ng Philippine National Red Cross. Nagbigay ang gobyerno ng Tsina ng tulong na aabot sa halagang P473,000 at ang gobyerno ng Amerika ay nagpaabot na ng tulong na aabot sa P2.36 milyon.

Ang gobyerno, mga estasyon ng telebisyon, mga artista at mga pribadong organisasyon ay nagkaisa upang manghimok sa mga mamamayan na magbigay ng tulong para sa mga nasalanta ni Bagyong Ondoy.

Samantala, ang mga klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa Maynila, Laguna at Batangas at iba pang mga pook ay sinuspinde hanggang sa ika-29 ng Setyembre, habang ang ilan pang mga lugar na naapektuhan ng bagyo ay nagdeklara na ng suspensyon ng mga klase hanggang sa ika-30 ng Setyembre. Mayroon ding mga lugar gaya ng Pasig at Cainta na sinuspinde ang mga klase hanggang sa Biyernes, ika-3 ng Oktubre.

Ayon naman sa pinuno ng Philippine Astronomic, Geophysical and Astrological Services (PAG-ASA), na si Prisco Nilo, inaasahan ang pagkakaroon ng mas magandang panahon sa mga susunod na araw sa Metro Manila.

Inaasahan naman ang patuloy na pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng malinis na tubig, pagkain, at mga damit.

Mga Larawan

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.